Ako si Inocencio C. Cator Jr., a.k.a. Sir Ino, isang guro sa Mababang Paaralan ng Libongao. Sa aming labing-tatlong guro, ako ang pinakabata at pinakabago.
Alam ko pong hindi madali ang trabahong ito. Maraming bagay ang kailangan kong pag-ibayuhin upang mas maging mahusay at epektibong guro. Ngunit sa kabila ng mga hamon, dito ko rin natutunan na may mga taong handang tumulong at magbigay ng inspirasyon, lalo na sa mga bata.
Dito ko nakilala si Sir Mike—isang napakabuting tao na talaga namang hinangaan ko dahil sa kanyang kabaitan. Masaya akong malaman na may mga taong handang magbigay, kahit sa simpleng paraan, upang makapaghatid ng ngiti, saya, at inspirasyon sa mga munting nangangarap.
Bilang isang guro, naisip ko noon na ang pagiging guro ay puro hirap at pagod. Pero nang dumating si Sir Mike at ang kanyang mga kasamahan, at noong unang pagkakataong nakilala ko sila, napagtanto kong maaari palang magpasaya, magpangiti, at magbigay ng inspirasyon sa mga bata kahit sa simpleng bagay na kaya nating ibigay.
Nagtanong ako kung sino ang nagbigay ng mga TV sa bawat silid-aralan, at laking gulat ko nang malamang si Sir Mike pala. Hindi ko kasi naabutan ang pamamahagi nito. Tunay siyang napakabuti—ginawa niyang mas epektibo ang pagtuturo ng mga guro sa mga kabataang nangangarap.
Noong 2023, bago pa lang ako sa paaralan, unang beses ko siyang nakita at personal na nakilala. Namigay siya ng school supplies at ice cream sa mga bata. Laking tuwa ko noon dahil hindi ko akalaing may mga taong tulad niya. Pinagdadasal ko na mas marami pa silang matulungan, lalo na ang mga batang nangangailangan.
At ngayong taon, muling bumalik si Sir Mike upang maghatid ng saya sa mga bata at guro ng aming paaralan. Namigay siya ng school supplies para sa lahat, pati na rin ng ice cream na nagbigay liwanag sa mga mata ng mga bata. Bilang isang guro, sobrang saya ko pong makita ang mga batang napangiti. Alam kong hindi lang kami ang natuwa kundi pati rin ang mga magulang na labis na nagpapasalamat sa kabutihang ipinakita ni Sir Mike.
May isang simpleng kataga na iniwan sa amin ni Sir Mike na hindi ko malilimutan: “MAG-ARAL NG MABUTI, MGA BATA!” Simple pero napakahalaga—nagmarka ito hindi lang sa mga bata kundi sa akin din. Mas lalo akong na-inspire na ibigay ang best ko sa pagtuturo dahil may mga taong handang tumulong upang mas gawing makabuluhan at magaan ang aming gawain.
Sana sa darating pang mga panahon, mas marami pang matulungan at mapasaya si Sir Mike. Naniniwala akong lalo pa siyang pagpapalain ng Panginoon dahil alam ng Diyos na bukas-palad niyang ibinabahagi ang kanyang biyaya sa iba.
Tulad ng sabi sa Kawikaan 11:24-25:
“Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan. Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.”
Abot-langit na pasasalamat para kay Sir Mike!
Eeyyy!! 🎉🎉🎉