Isang batang nangangarap sa ilalim ng buwan,
Ako’y nangangarap,
Mga bituin sa langit, aking hinahanap.
Sa bawat hakbang, pangarap ay abot-kamay,
Sa puso’t isipan, tagumpay ay tunay.
Labis akong nagpapasalamat sa ating Poong Maykapal na natupad ko ang aking pangarap—ang maging guro sa isang batang nangangarap.
Isang magandang buhay! Ako po si Joan L. Florito, anim na taon nang nagtuturo sa Libongao Elementary School at dalawang taon sa Mahawan Elementary School. Ako ay isang guro na may hangaring mapabuti ang kinabukasan ng aking mga mag-aaral at may dedikasyong magturo nang mabuti sa kabataan.
Sa mahabang panahon ng aking pagtuturo kasama ang aking mga kapwa guro, lubos ang aking kasiyahan na makilala kayo sa loob ng tatlong taon. Ang unang pagkakataon ay noong Setyembre 2022, nang isang grupo ng mga anghel ang dumating sa aming paaralan, ang Libongao Elementary School. Walang nakakaalam kung sino sila, ngunit kasama nila ang asawa ni Sir Mar M. Mosquite, si Merry Jane Mosquite. Sa aking pagtataka, unang bati ko pa lamang ay, “Unsay naa?” At doon ko nalaman ang isang napakagandang balita para sa aming mga guro at sa aming punong-guro na si Mrs. Gladys V. Garrido—isang malaking donasyon ang kanilang dala.
Binigyan kami ng dalawampu’t dalawang yunit ng Sharp 32” Smart TV at dalawang yunit ng Asus laptop para sa ICT na pasilidad. At hindi lang iyon, may Jollibee treat pa para sa aming mga guro! Sa araw na iyon, nag-uumapaw ang aming kaligayahan. Lubos kaming nagpapasalamat dahil sa inyong handog na makakatulong nang malaki upang mas mapaunlad namin ang paraan ng pagtuturo sa aming mga mag-aaral.
Ngunit hindi doon natapos ang inyong kabutihan. Noong Abril 2023, bumalik kayo upang muling magbahagi sa aming paaralan. Nagbigay kayo ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga batang nakakuha ng matataas na marka sa iba’t ibang grado sa ikalawang kwarter. Mas naging masaya pa ang lahat nang muli ninyong ipinamahagi ang inyong pagmamahal sa pamamagitan ng ice cream para sa mga bata at Jollibee treat para sa aming mga guro.
Sadyang napakasarap sa puso ang inyong suporta at walang sawang pagbibigay, pati na rin ang inyong mga panalangin para sa aming paaralan. Kahit hindi namin kayo lubos na kakilala noong una, walang pag-aalinlangan kayong bumalik upang maghatid ng tulong at pag-asa sa aming mga mag-aaral. Tunay kayong isang malaking biyaya sa aming paaralan, sa aming mga guro, at sa mga batang may pangarap.
At ngayong taon, noong Agosto 27, sa pangunguna ng aming bagong punong-guro na si Mrs. Lilibeth P. Colaba, muli kayong bumalik upang magbigay ng kasiyahan—hindi lamang sa aming mga puso kundi lalo na sa aming mga mag-aaral sa Libongao Elementary School. Muli kayong nagbahagi ng school supplies upang matugunan ang pangangailangan ng mga bata sa kanilang pag-aaral. Sa ikalawang pagkakataon, nagbigay kayo ng ice cream para sa mga mag-aaral at muling may Jollibee treat para sa amin.
Bilang mga guro ng Libongao Elementary School, buong puso naming ipinagmamalaki na mayroon kaming Sir Michael Angelo A. Cortez, a.k.a. Sir Mike, at Auntie Zenaida Alvero. Maraming salamat po sa inyong walang sawang suporta at pagbibigay-kasiyahan—hindi lamang sa aming mga mag-aaral kundi maging sa aming mga guro. Wala nang mapaglagyan ang aming tuwa at pasasalamat na kayo ay aming nakilala. At higit pa rito, muli kayong naghandog ng Jollibee treat para sa mga batang nagkamit ng medalya sa Science at Math Quiz Bee—isang patunay ng inyong patuloy na suporta sa edukasyon ng aming mga mag-aaral.
Sa pagtatapos, nais kong ipahayag ang isang tula ng pasasalamat:
Sa bawat araw na lumilipas,
Sa bawat ngiting sumisilay,
Sa bawat pusong nagmamahal,
Salamat sa inyo, aming kaibigan.
Sa bawat hamon at pagsubok,
Sa bawat tagumpay at saya,
Sa bawat sandaling kasama kayo,
Salamat sa inyo, aming inspirasyon.
Nawa’y patuloy kayong magtagumpay,
Sa bawat hakbang ng inyong buhay,
At sa bawat pag-ikot ng mundo,
Salamat, salamat sa inyo!
Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat! More blessings to come! 🎉🎉🎉